Tuesday, January 25, 2011

Anak ko



         Ang buhay ay handog sa atin ng Poong Maykapal. Ibinigay Niya sa atin nang may buong pagmamahal at pagtitiwala. Pagtitiwalang ito ay ating aalagaan at pakaiingatan. Pero ano nga ba ang ginagawa natin sa regalong buhay na ito? Minamahal nga ba natin ito at pinag-iingatan? Pinagyayabong ba natin ito at itinuturing na sagrado at banal? Ilan lamang ang mga katanungang ito na kailangang sagutin ng tao sa araw ng paghuhusga. Ano nga ba ang ginawa mo sa buhay na regalo sa iyo ng Diyos? Naririto ang isang maikling kathang kwento lamang ngunit kapupulutan ng aral na sa hinaharap ay maaaring magligtas sa iyo sa mainit na apoy ng impiyerno…

          Nasa ika-apat na antas sa High School si Magda. Mula pagkabata ay kasali siya sa mga nabibigyan ng karangalan at medalya sa tuwing magtatapos ang taon. Matalino siya at mabait na dalagita para sa kanyang mga magulang na sina Aling Marta at Mang Berto. Nag-iisa lamang nilang anak si Magda kung kaya mahal na mahal nila ito at halos ibigay na nila ang lahat sa kanya. Hindi naman palahingi si Magda pero basta may kailanganin ito ay agad-agad na ibinibigay ng kanyang mga magulang. Ayaw nilang sasama ang loob ng kanilang anak.

         Nagkaroon ng paligsahan sa pagtula sa kanilang lungsod at lahat ng paaralan ay inimbitahan na magpadala ng kani-kanilang mga kalahok. Dahil mahusay si Magda sa pagtula, siya ang ipinadala ng kanilang paaralan sa timpalak na ito. Nang malaman ito ng mga magulang niya, tuwang-tuwa sila at ipinagmamalaki nila si Magda sa kanilang mga kaibigan. Halos hindi na nila binibigyan ng gawaing-bahay si Magda para makapag-ensayo itong mabuti.

         Dumating ang araw ng timpalak. Mahusay ang pagkatula ni Magda. Ngunit may mas mahusay kaysa sa kanya, si Danilo. Nagmula si Danilo sa kabilang paaralan sa lungsod. Napakahusay nga niyang tumula at napaka-kisig pa nitong binata. Mahusay makipag-usap at mukha naming maginoo. Agad naging magkaibigan sila at naging madalas ang kanilang pagkikita kapag walang pasok. Hindi naman nila napapabayaan ang kanilang pag-aaral ngunit nabawasan ang kanilang panahon ng paglagi sa bahay. Dahil dito, madalas napapagalitan na nina Mang Berto at Aling Marta si Magda.

          Nang kausapin ng mag-asawa ang anak, inamin ng dalagita na iniibig na niya si Danilo. May pagkalungkot na naramdaman ang mag-asawa ngunit hindi nila ito ipinahalata sa anak sa pag-aalalang baka ito ay magtampo sa kanila. Sa halip pinaalalahanan na lamang nila itong huwag pababayaan ang pag-aaral at maging inspirasyon si Danilo sa pagtupad ng kanyang mga pangarap. Nangako naman si Magda na ito nga ang gagawin niya.

         Lumipas ang mga buwan at minsan napansin ng ina na matamlay na nakaupo si Magda sa may bintana. Tinanong niya ang anak at sa halip na sumagot ito ay napahagulgol ng iyak. Inamin ng dalaga na siya ay nagdadalang-tao at nang sabihin niya ito kay Danilo, sinabi sa kanya ng kasintahan na huwag nitong ituloy ang pagbubuntis at ipalaglag na lang ang bata. Nang hindi siya pumayag sa gusto ng kasintahan, hindi na ito nagpakita pa sa kanya.

         Nagkalakas ng loob si Magda na magtapat sa ina sa pag-aakala nitong dadamayan siya ng ina. Nagulat siya ng sabihin ng ina na pupunta sila sa isang “abortionist” para ipalaglag ang bata dahil hindi niya matatanggap ang kahihiyang sasapitin ng anak at ng mga sasabihin ng tao sa kanila. Takot na takot at ayaw pumayag ni Magda sa nais ng ina ngunit wala siyang nagawa.

         Pagkaraan ng ilang araw, inisip ng ina na maayos na muli ang lahat at maaari na ulit magsimula ng bagong buhay ang anak niyang si Magda. Walang masasabing pangit ang mga tao tungkol sa kanila. Tanghali na ay di pa ito bumabangon para mag-almusal kaya pinuntahan na niya ito sa kwarto upang gisingin. Napasigaw ang ina ng makitang walang malay na nakahandusay sa sahig ang anak. Napakaraming dugo sa paligid nito na nagmumula sa kanyang hita. Agad isinugod niya ang anak sa pinakamalapit na hospital. Ngunit huli na ang lahat. Sabi ng doktor, kumalat na ang impeksyon sa katawan ni Magda. Hindi kinaya ng murang katawan nito ang biglaang pag-alis ng sanggol. Wala na silang magagawa.

         Umuwing tulala ang ina ni Magda. Wala ring kibo ang amang si Mang Berto. Parehong di nila matanggap ang sinapit ng kanilang kaisa-isang anak. Dahil sa kahihiyan at pag-iisip na baluktot, sinisisi ng ina ang sarili sa sinapit ng anak. Siya na dapat magtanggol sa buhay ng kanyang anak at magiging apo ang siyang kumitil ng mga buhay nila. Humingi man siya ng patawad sa kanila, huli na ang lahat…

No comments:

Post a Comment